Ang Mangkukulam ng Anda, Bohol.

Published December 14, 2011 by jptan2012

Alam niyang wala na siyang pwedeng magawa kundi paalisin ang kanyang asawa.

Alam ko ang iniisip niya, alam kong ang kapakanan ko ang iniisip niya. Pero dapat alam din niyang hindi ko pwedeng gawin ang kanyang hinihiling….paano ko iiwanan ang taong pinakamamahal ko. Kailangan ko siya at kailangan niya ako, lalo’t pa’t ngayon lumalala na siya. 

Alam din niya kung saan dapat patakbuhin ang asawa niya. Sa katunayan, matagal na niyang itinuro sa asawa kung ano ang gagawin at saan magtatago.

Alam din niyang gugustuhin nitong sumama siya.

Alam niyang hindi niya kakayanin sumama sa asawa niya, ipapahamak lang niya ito kapag sumama siya dito. Mahina na ang katawan niya, hindi na siya magtatagal sa mundong ito. Natatakot siya sa kailangan niyang gawin para sa mahal na asawa pero…

Alam niyang yun lang paraan.

Alam kong inihanda na niya ako sa dapat kong takbuhan at pagtaguan…

Alam kong handa na ako, pero…

Alam kong hindi niya kakayanin na sumama pa sa akin at doon manirahan. Magiging mahirap para sa kanya…kung ako lang sana pero…

Alam kong kailangan kong isakripisyo ang sarili ko para sa kanya…mahirap pero kakayanin ko. Sana maawa ang mga tao sa akin. Madami na rin naman akong natulungan at napagaling sa kanila…ipapaliwanag ko sa kanila na hindi ako ang may gawa ng pagkakasakit na naging sanhi ng pagkakamatay ng anak ni Dolores.

Alam niya ang iniisip ng asawang si Iska…

Alam niyang gusto ni Iska na sabihin sa mga tao na hindi siya ang may gawa ng kulam sa anak ni Dolores, pero ang hindi niya alam ay kung hindi nga ba si Iska ang may gawa nun sa anak ni Dolores o hinde…

Alam kong kailangan kong dagdagan na magkuha ng mga damo na panggamot sa kanya….pagtapos ko harapin ang mga tao, hindi ko alam kung gaano ako katagal mawawala, kailangan maihanda ko lahat ng gamot niya.

Alam niya ang binabalak ni Iska…

Alam niyang hindi maniniwala ang mga ka-baryo kay Iska…

Alam niyang nagkakamali si Iska sa pagiisip na mababago pa nito ang paniniwala ng mga ka baryo….

Alam niya ang kailangan niyang gawin…

Alam niyang kailangan na niyang gawin ngayon yun bago pa siya maabutan ni Iska…

Alam niyang kailangan na niyang gawin yun bago pa siya mawalan ng lakas ng loob.

Hindi inaasahan ni Iska na aabutin siya ng dilim.

Sana sapat na ang mga ito. Masakit ang pagdadaanan ko pero kakayanin ko yun alang alang sa asawa ko. Kailangan niya ako ngayon. Kung hindi lang sana ako nagkamali.

Dahil malalim ang iniisip at lubos na inaalala ang asawang may sakit hindi namalayan ni Iska na nakabalik na siya sa baryo at malapit na sa tinitirahn nilang kubo ng asawa. Bigla nalang niyang narinig na may sumigaw na-AYAN NA SI ISKA NA MANGKULULAM!

Napatingin si Iska sa sumigaw, nagulat siya at tatakbo sanang pabakik ng gubat, pero nagulat siya sa nakita niya at nakabuyangyang ang katawan ng asawa sa labas ng kubo nila.

Alam kong binawian na siya ng buhay…

Alam ko na ang mga mga kabaryo sa kagustuhan gumanti sa akin at hindi ako inabutan sa bahay ang pumatay sa kanya!

Bigla nalang parang sinapian ng kung anong espiritu si Iska at sinugod ang taong nakatayo pinakamalapit sa asawang wala ng buhay. Si Tomas ito, ang asawa ni Dolores. Pero hindi siya umabot dito..

Hindi na hinayaan ng mga tao na makalapit si Iska kay Tomas, pinagtulungan nalang nilang hilain ito, at iginapos! Ni hindi na nila itong hinayaan na makalapit sa bangkay ng asawa.

Alam kong wala akong laban sa kanila, hindi pwedeng ganito, kaya ko sila sa sarili kong paraan…

Alam kong wala akong laban sa kanila, pero bakit pati ang mahal kong asawa ay dinamay nila?!!!!

Nagkagulo ang mga tao, itinatali nila si Iska, pero naguunahan sila, lahat sila gustong makitali kay Isaka, lahat sila gustong makasapak, makasampal, o makasabunot kay Iska.

Si Iska naman hindi nagpatalo. Pilit itong naglaban. Nahubaran na siya, pero hindi na niya ito alintana. Hindi na rin ito alintana ng mga kabaryo niya. 

Natalian na si Iska at kinaladkad siya papunta sa isang posteng gawa sa tuyong kawayan at mga kahoy, may gas na rin na nakahanda… Malapit ito sa bukana ng gubat na dinaanan niya kani-kanina lang. Hindi niya na siguro ito napansin dahil sa pagiisip sa asawa na patay na pala.

Alam ko kung ano ang balak nilang gawin. Katapusan ko na ba ito?

Huminahon ang mga tao nang naitali na si Iska. Lumapit si Tomas at Dolores, akay akay nila ang bawat isa. Humuhugot ng lakas sa bawat isa. Lungkot at galit ang nasa mukha nila. Tumingin sila kay Iska. Iniabot ng isang kabaryo ang kawayan may apoy sa dulo, ito ang gagamitin pansindi sa apoy ng kamatayan ni Iska.

Alam kong takot sila na magsindi ng apoy…

Alam kong takot sila na bumalik akong muli sa kamatayan…kaya ko ba gawin yun? May ganun kakayahan ba ako?

Alam kong hinihintay din nila akong makiusap o umamin. Pero tumahimik lang ako.

Alam kong wala na rin akong dapat gawin kung hindi harapin ang aking kamatayan, kahit pa ramdam kong maluwag ang pagkakatali nila sa akin. Pwede akong tumakas sa pagkakatali ko ngayon kung gugustuhin ko, pero hindi ko na kakayanin harapin pang muli ang kanilang mga hampas, sampal, sabunot, at sipa!

SINDIHAN NIYO NA! -Udyok ng mga kabaryo nila kay Tomas at Dolores. Humakbang si Tomas patungo kay Iska nang biglang gumalaw ang lupa! Mahina sa umpisa pero biglang lumakas din ito agad. Doon na sila nagkagulo at nagtakbuhan. Nawalan na rin ng lakas ng loob si Tomas. 

Alam kong lumilindol….

Alam kong alam nilang lindol ang nangyayari pero…

Alam kong sa ngayon sa akin nila sinisi yun…

Alam kong ito ang pangalawa kong buhay…kung buhay ngang maitatwag sa kailangan kong harapin sa mga susunod na araw…buwan…at taon…

Alam kong ito na ang pagkakataon kong tumakbo…

Alam kong sa Lamanok ang punta ko….

Isa yun sa pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan ng Bohol. Nang na himasmasan ng ang mga taga baryo, doon lang nila napansin na nakatakas na si Iska. Lalo silang natakot, dahil sa kanilang paniwala si Iska ang gumawa ng lindol upang makatakas ito…bakit nga ba siya tahimik lamang bago nila ito tinangkang sunugin?

Sa mahabang panahon, iba’t ibang klaseng kamalasan ang dumapo sa mga kabaryo ni Iska. Marami sa kanila ang patuloy na sinisi si Iska sa matinding pagtatae na nangyari sa mga bata sa lugar nila. Maraming bata ang namatay.

Alam nila kung saan tumakbo si Iska kaya minsan, upang maputol na ang kamalasan na dumapo sa baryo nila, may isang grupo ng mga lalaki ang naglakas loob na hanapin si Iska sa Lamanok, papatayin nila ito.

Alam kong may mali, sa 15 taon ko dito sa Lamanok, wala man lang ni minsan ang nangahas na pumunta dito. Pero ano itong bangkang papalapit?

Namataan nila si Iska sa may dalampasigan, medyo nagka edad na rin ito, alam nilang maaabutan na nila sa Iska, kahit pa nakita na ni Iska na paparating sila.

Nagsimulang tumakbo si Iska, ang ilang sa mga dati niyang kabaryo ay bumaba ng bangka para habulin si Iska. Dala na rin siguro ng edad ni Iska ay medyo mabagal ito….

Alam ko ang kailangan kong gawin…dapat umabot ako sa kuweba ko…

Umakyat si Iska sa bundok ng Lamanok….nasa likuran niya ang mga lalaking mas mabibilis at pinalakas ng galit kay Iska.

Pero si Iska ay sanay sa mabatong bundok ng Lamanok, ang mga taga baryo at hinde.

Nakita nilang pumasok si Iska sa loob ng kuweba, pero alam din nilang may tagusan ito sa likod, kaya napaghandaan na nila ito.

Hindi alam ni Iska na may ibang kasama ang humahabol sa kanya…dumaan ito sa likod ng Lamanok, nandoon sila para harangin ang tagusan sa kuweba na pinagtirahan ni Iska.

Sumunod ang unang pangkat na humahabol kay Iska sa loob ng kuweba. Wala na si Iska, nakatakas ito sa tagusan, pero sa oras na yun nandoon na rin ang pangalawang pangkat na nagdaan sa likod ng Lamanok. Hindi nila nakita si Iska….

Alam kong itong kuwebang itong ang magliligtas sa akin.

Nakita ng mga tumigis kay Iska ang mga samu’t saring kabibe, damo, buto ang nakakalat sa loob ng kuweba.

Hindi yun ang huling pagkakataon na nakita si Iska.

Paglipas nang matagal na panahon, may grupo na naman ng lalaking ang naglakas loob na hanapin si Iska. Pero itong grupo na ito ay mas bata at mas moderno, gusto nilang patunayan na walang nakatira sa kuweba ni Iska. Sabi nila kung totoong may tumira doon siguradong may palatandaan yun, tsaka siguradong nandoon pa rin ang mga kabibe, tuyong damo, buto, na diumanoy nakita ng mga tumigis kay Iska.

Nakita nila ang kuweba ni Iska. Nandoon pa ang mga kalat na kabibe, tuyong damo, at buto….pero mayroon pa silang isang nakita…nakita nila si Iska.

Pagod na pagod na ako. Hindi man kataasan ang Lamanok, para sa isang overweight ay nakakapagod itong akyatin. Pero sabagay yun mga kasabay kong umakyat na physically fit eh hinihingal din at parang waterfalls na rin ang tulo ng pawis. Mas malaking waterfalls lang nga ang tulo ng pawis ko.

Pumunta kami sa Lamanok, dahil sa ngayon ay binuksan na ito sa mag adventurous na turista. Adventurous daw ako…hindi gaano pero nagkasbukan na eh.

Lamanok Point in Anda, Bohol

Kuweba ni Iska

Dito ko nalaman ang kuwento ni Iska na mangkukulam ng Anda, Bohol. Ang nagkuwento sa amin ay ang aming local ‘tour guide’ na si Mang Berting na feeling ko eh mukha rin magkululam.

Actually, madami pang kuwento ang bumabalot sa Lamanok, pero ang kuwento ni Iska ang talagang bumighani ng aking pansin, tsaka yun nandoon kami sa loob ng kuweba ni Iska, ay may naramdam kaming ibang pagkakilabot.

Papasok sa kuweba ni Iska

Ayon sa kuwento, nung pumunta ang mga kabataan lalaki para patunayan na walang Iska at kuwento kuwento lang ang diumanoy kuweba ni Iska, ay nakita nila ang pinaniniwalaan buto ni Iska. Buo pa raw ito, at pinasuri pa raw na napatunayang buto ng isang babae. Si Iska ba ito? Ewan ko….pero nakakakilabot sa loob ng kuweba ni Iska.

Yun una akong dumating sa Anda, Bohol, hindi ko inisip na may mystical itong kuwento, dahil ang ganda ng Anda, Bohol! Ang dagat niya ay world class at tinalo ang Boracay o Panglao. Sabi ng mga tao comparable daw ito sa Bali, Indonesia.

Public Beach of Anda, Bohol

Lahat ng dalhin ko doon kebigan ay na i-in love sa beach ng Anda, Bohol, pero lahat din sila nangingilabot sa loob ng kuweba ni Iska sa Lamanok.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 953 other followers

%d bloggers like this: